|
Anim na beses sa isang linggo, kinakailangan ng isang karaniwang Louisian ang pumasok sa klase, makinig sa guro, gumawa ng takdang-aralin, at sumagot sa samu’t saring madudugong pagsusulit.
Sa mga oras na ito na tila pinagsasakluban ka ng langit at lupa, alam kong iisa lamang ang maaaring pumasok sa iyong isipan: PAGKAIN!Paglabas mo palang sa mapagpalang gate ng unibersidad, hindi lamang mga sandamakmak na mama na paulit-ulit na sinasabing, “Ading, Xerox?” ang bubungad sa’yo. Tatambad din sa’yo ang iba’t ibang klase ng maliliit na establisyimento na matatagpuan na nakapalibot sa unibersidad na tinaguriang “in” sa atin ngayon. Ito ay ang mga iba’t ibang klaseng binebentang pagkain na bukod sa tila galing sa ibang bansa, ito ay katakam takam at tiyak na swak sa bulsa. So, ano pang hinihintay mo? Halina at libutin at tikman natin ang buong mundo sa loob ng Bonifacio St., Baguio City. Huwag mag-alala dahil hindi mo na kakailanganin ang pasaporte, visa, at maraming pera. Ang kailangan mo lamang ay ang isang gutom na tiyan, malakas na sikmura at ang iyong trusty coin purse. SABAW-LESS NOODLES?Sa mga lugar na malamig ang klima tulad ng Baguio, usong-uso sa mga tao ang kumain ng noodles na may masarap at makapaso-dilang sabaw. Pero sa kabaliktaran, ang mabenta naman ngayon, lalo na sa mga estudyante ay hindi ang tradisyunal na de-higop na noodles with sabaw kundi ang prinitong noodles. Pwede ba iyon? Ito ay ang tinatawag na Chow Mien Hong Kong fried noodles na matatagpuan sa harap lamang ng unibersidad, Ito ay kadalasang niluluto sa gridle na sinasahugan ng monggo sprouts. Ito rin ay puwedeng dagdagan ng pork or beef siomai sa kadaragdagang bayad. Para sa final touches at para pasarapin pa lalo ang iyong fried noodles, maaari kang mamili sa kanilang mga sauces tulad ng teriyaki sauce, toyomansi, chili garlic sauce, oyster sauce, chow mien sauce at budburan mo pa ito ng tinadtad na onion leeks. Mageksperimento at paghaluhaluin ang mga sauce para tumugma sa iyong lasa. Ano pang hahanapin mo? Bukod sa pagkain ng isang Chinese delicacy na hindi tataas sa 30 pesos, pwede ka pang magpasikat gamit ang chopsticks sa pag-kain. TAKOYUMMY BALLSNagsawa ka na ba sa araw-araw na pag-kain mo ng squid balls, fish balls, chicken balls, shrimp balls at kikiam? Na kung saan, parang magkakalasa naman? Maiba tayo. Bakit hindi mo subukan ang isang pagkain na pinauso ng mga Hapon? Ang Takoyaki. Ang Takoyaki o Samurai balls ay isang Japanese delicacy na kung saan, ang mga malabolang pagkain na ito ay gawa sa cabbage, octopus at Japanese ginger na niluluto sa special Takoyaki gridle gamit ang chopsticks sa loob ng sampung minuto. Para makumpleto, maaaring itong lagyan ng mga pampalasa tulad ng mayonnaise, garlic sauce, at hot sauce. At para mas mafeel mo pa ang pagiging Hapon, lagyan ang iyong Takoyaki ng fish powder at dried Japanese seaweeds na kung tawagin ay Nori. Sa halagang pitong piso bawat isa, mapapawi ang iyong gutom at pagod. CHEESY STICKSKung usong-uso ang lumpia sa mga vegetarian at turon naman sa mga sweet-toothed, meron din naman para sa mga mahilig sa maalat lalo na sa keso. Ito ay ang Cheese sticks. Oo, hindi ka namamalik-mata at tama ang nabasa mo. CHEESE STICKS. Ito ay parang maliliit na lumpia na gawa sa keso at binalot sa lumpia wrapper at pinirito para maging crispy-fry sarap. Ito ay karaniwang idinidip sa mayonnaise at ketchup para lalo pang sumarap. Sa halagang piso bawat piraso, hindi ka na nakamura na pangmeryenda, may source of Calcium ka pa. At sinong nagsabi na kailangan ng malaking halaga para sa kalusugan? PIZZA-RAP!Sa mga nabanggit na mga pagkain, ito na maaari ang pinakamabili na kumbaga sa mga album, ito ang bestseller. Marami na ring mga banyaga ang sumakop sa bansa natin. Kasabay ng kanilang pagsakop ay ang pagmahal natin sa kanilang kultura at ang pagtangkilik ng kanilang produkto. Kaya naman naisipian ni Mr. Raffy dela Cruz na mag-imbento ng isang pagkain sa pamamagitan ng paghalo sa kultura ng Germany at Italy at paglapat ng Filipino touch. Ito ay ang kanyang pinagmamalaking Pizza burger na matatagpuan lamang sa “MR. RYL PIZZA”. Pagdating mo palang sa kanilang maliit na stall, ito ay tila artistang dinudumog ng mga tao. Ito ay gawa sa dough at nilalagyan ng toppings tulad ng isang karaniwang pizza. Pagkatapos ay iluluto ito sa sandwich grill sa loob ng isang minuto. Maaari kang pumili sa iba’t ibang flavors tulad ng tuna, Hawaiian, burger, supreme at ang tunay na sariling atin, ang sisig. Parang sa mga dyip. Ito ay may diskwento na kung saan, ang Pizzaburger ay mabibili sa halagang 20 pesos para sa mga estudyante at 22 pesos naman sa mga regular na mamimili. Nang tinanong namin ang ibang estudyante kung bakit patuloy nilang tinatangkilik ang Pizzaburger, ito ang kanilang naging sagot – hindi lamang sa mura at masarap ito, kundi ang masayahing karakter ng mga nagbebenta ang siyang nakakapanghikayat sa kanila para bumalik dito. Ito ay isang produkto na hindi lamang patok sa atin kundi pati na rin sa mga Koreans. Nakakabibib nga naman ang karisma ng mga Pilipino, ano? JAPANICE CAKENasa bungad ka palang ng gate, amoy na amoy mo na. Mapapapikit ka sa sarap nito at habang sinasalakay nito ang iyong kumakalam ng sikmura, hinayaan mo ang iyong mga paa na dalhin ka sa kinaroroonan ng malanghel na amoy. Pagbukas ng iyong mata, bubungad sa iyo ang maliliit at bilog na tinapay. Ito ay ang tinatawag na Japanese cake. Ito ay parang ang paborito din nating hotcake na gawa sa harina, gatas, itlog at mantekilya na niluluto sa flour cake grill at pagkatapos ay nilalagyan ng iba’t ibang klaseng filling tulad ng keso, strawberry, apple, pineapple, tuna at chicken. Anumang piliin mo, tiyak na maglalaway ka sa bawat kagat nitong malaman, malasa at siksik at mainit-init pang mini cakes. Tiyak na sa halagang anim na piso, solb na ang cake cravings mo. “If there’s a will, there’s a way”, sabi nga nila. Kaya ngayong nalaman mo na ang mga pagka “in” ngayon, subukan at tikman mo na ang mga ito. Ano mang bansa ang trip mong puntahan at tikman ay tiyak na mahahanap mo sa mga nagkalat na mga tindahang ito ang iyong ninanais na kainin sapagkat sila ay walang sawang naglilingkod at patuloy na naghahanap ng mga paraan para pawiin ang pagod, hirap at gutom ng isang dakilang Louisian.
|